Ikaw pa rin

Naalala ko pa ang sandaling magkakilala tayo,bigla mo na lang tinanung kung anong pangalan ako at tinarayan lang kita dahil sa hindi ako sanay ng inaapproach sa pagiging loner ko. Nakakatuwa na naalala ko pa ang mga sandaling iyon na simula ng pagbabago ng aking buhay at pag-iiba ng aking ugali mula sa pagiging mapag-isa tungo sa mas palakaibigan na tao. Marami kang idulot na maganda sa’kin at nagagalak ako na tungo sa sarili ko ngayon ay ikaw ang nakasama ko.

Natutuwa ako na sa tagal ng panahon na hindi ka napadako sa isip ko ay naalala kita tulad ng matamis na lasa ng unang lagok natin ng serbesa,ni hindi natin alam serbesa iyon at ang pagkakaalam ay apple flavor juice na paborito natin. Noon ay aligaga pa tayo kung paano ito sasabihin sa mga magulang natin at sa mga pinuno ng simbahan na nakainom tayo ng hindi natin nalalaman. Hanggang sa tuluyan na natin itong sabihin at mabigyan ng payo. Marami pang bagay ang sumunod na sabay nating naranasan. Tulad na lang ng una tayong magkita sa eskwelahan, pareho ba tayong nabigla dahil sa hindi inaasahan pagtatagpo sa malaking pamatasan at bilang ang ating kolehiyo ay nasa magkabilang dulo. Doon ko sasabing nagsimula ang ating malapit na samahan, doo’y sabay nating hinarap ang mga hamon ng pag-aaral at pagkamulat,at doo’y ay unti-unting namuo at nagsimula kong maramdaman ang isang damdamin.

Habang lumilipas ang panahon ang damdamin ko para sa’yo ay unti-unting lumalalim kasabay noo’y ang ating pagkamulat at pagtatanong ng mga bagay-bagay. Naging maalam at may pakialam tayo sa mga simpleng isyu ng mga magsasaka, manggagawa at mga estudyante. Pinahalagahan natin ang mga taong ito kasabay ng paglalim ng ating suri sa lipunan at naging kabahagi ng laban ng mamamayan. Ito ang pinakamaligayang sandali ng buhay ko, ang makibaka kasama ng sambayanan para sa tunay na kalayaan ng uri. Labis tayong umibig sa bayan alinsabay ng pagtatanong natin sa uri ng simbahang kinapapalooban natin. Natuwa akong naigpawan natin ang pagtatanong sa katotohan ng diyos at doktrina ng ating simbahan at lalo pa natin itong inibig para sa mamamayan at diyos.

Sa lahat ng hakbang ay andoon ang isa’t-isa, nagagalak ako na ikaw ang aking nakilala.Ngunit sa pag-alala kong ito sa’yo ay bumalik din ang mga masamang pangyayari mula ako’y iwan mo. Tinalikuran ko ang mamamayang minahal natin, tinalikurang ang maraming bagay na nakakapag-alala sa’yo at pinlano kong kalimutan ang lahat. Hindi ito ang nais mo para sa akin, at alam mo na hindi ko ito kayang gawin. Ngunit nagawa ko, iniwan ko sila’t pinabayaan. Naging manhid ako sa kanilang mga daing at naging makasarili. Umiyak ako ng maalala ko ang mga pagkakasalang ito. Binabaka na natin ang indibidwalismo pero nang mag-isa ako ay niyakap ko ito at nagtaksil. Masakit na ang lahat ng ito ay bumabalik tulad ng pagbabalik ng iyong mga alaala.

Naisipan ko na ring bumalik sa mga ginagawa natin noon at ipagpatuloy ito. Sa panahon ng aking pagbabalik at sa saglit na’yon ay bumigat ang aking bawat hakbang, sinasakal ako ng aking paghinga at kinamumuhian ko ang sarili ko. Patuloy ang ganitong damdamin hanggang maabot ko ang pinto ng tambayan ng ating organisasyon. Hindi ako makakatok sa bigat ng aking kamay na para bang may pumipigil dito. Isang lang itong munting hamon pero nilamon ako ng kaduwagan. Naglakad ako palayo habang umagos ang aking luha. Akala ko ay naibsan ko na ang sakit at bigat ng damdamin sa aking paglayo sa lugar na’yon. Pero hindi. Nagtaksil na naman ako sa pangako ko sa aking sarili na babalikan ang mga taong minahal natin at pinagsibihan.Sa pagkakataong ito ay binigo na naman kita.

Namumuhi ako sa’king sarili kasabay ng pakiramdam na isa lang ito sa mga hamon na dapat kong lagpasan . Alam mong hindi ako umuurong at kahit kailanma’y hindi sumuko, kaya nagtaka ako na naduwag ako. Maaaring natakot ako sa posibilidad na hindi ako tanggapin. Pero babalik ako dahil ang lahat ng ginagawa ko ay inaalay ko sa mamamayan tulad ng hanggang kamatayan mong pagsisilbi sa kanila. Wala ka man ay nandito pa rin ako’t ipagpapatuloy ang ating nasimulan at patuloy na sasama sa malaking hanay ng mamamayan hanggang mabigwasan ang tagumpay. Ito ay tanda ng aking pagkilala sa aking pinakamatalik na kaibigan at katangi-tanging taong minahal ko ng higit pa sa buhay ko. Hindi ko man nasabi ang salitang “mahal kita” sa’yo ay sasabihin ko naman ito sa mga pinaglingkuran mo. Salamat at naalala kita at naalala ko ang responsibilidad ko sa bayan.

Mananatili ka lagi sa puso ko.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s